Araw para sa lahat, solar para kanino?
Pagbibigay-liwanag sa pagkakaroon ng sustainable na solar transition para sa ating mga sakahan









Bukod sa tumataas na presyo ng kuryente sa mga bahay, apektado rin ng krisis sa enerhiya dulot ng digmaan sa Middle East ang itinuturing na backbone ng ating ekonomiya: ang sektor ng agrikultura.
Ayon sa Food and Agriculture Organization, nakararanas ng matinding pressure ang mga magsasakang Pilipino sa kasagsagan ng tumataas na presyo ng fuel na kailangan para sa irigasyon at mga makina sa sakahan.
Sa kontekstong ito, lalong kinakailangan ang panawagan para sa pag-transition ng Pilipinas sa paggamit ng renewable energy, at isa ang solar sa mga pinakamatunog na pamamaraan.
Isa ang agrikultura sa mga sektor na pinakamakikinabang sa naturang transition. Ayon kina Agaton at Guno (2024), ang paggamit ng irigasyon na binubuhay ng solar power (solar-powered irrigation system o SPIS) ay makatutulong sa mga magsasaka na makatipid at madagdagan ang kanilang kita, bagaman kinakailangan ng malaking kapital upang makabili nito.
May dalawang pamamaraan na ginamit ang mga mananaliksik para mapatunayan ang resulta ng pag-aaral: una, ikinumpara nila ang pangmatagalang gastos at ipon sa paggamit ng solar laban sa diesel, at sinuri ito kaugnay ng pabago-bagong presyo ng diesel. Nadiskubre nila na makatitipid nang USD 556.26/ha kada taon (₱31,870/ha gamit ang 2024 conversion rate) ang mga magsasaka, at kayang mabawi ang ginastos sa pagpapatayo ng solar panels sa loob ng humigit-kumulang anim na taon.
Kaya naman hindi na rin nakagugulat na, batay sa datos ng Institute for Climate and Sustainable Cities, humigit-kumulang 76 porsyento ng 1,846 MW na kapasidad ng bansa para sa solar energy ay utility-scale o pangmalawakang installations, at 11 porsyento lamang nito ang para sa komersyal habang 13 porsyento para sa pambahay na gamit.
Maaaring nakababahala ang impormasyong ito—tingnan na lamang ang pag-aaral na isinagawa ni Principe (2004). Gamit ang satellite imagery, nadiskubre niyang lumawak nang 333 porsyento ang solar farms sa Tarlac, mga installation site na pumalit sa damuhan at sakahan. Tinatanya rin ng kanyang pag-aaral na tataas sa 60 porsyento ang paglawak ng solar farms pagpatak ng 2027 na maaaring magkaroon ng implikasyon sa suplay ng pagkain, bagay na kinakailangan ng mas malalim pang pag-aaral.
Nananatili ang katanungan kaugnay nito: paano natin matitiyak na kapaki-pakinabang ang solar transition para sa ating mga sakahan at hindi maging perwisyo sa mga ito?
Iminungkahi nina Agaton at Guno (2024) na (1) magkaroon ng insentibo, polisiya, at tulong-pinansyal para matugunan ang gastusin ng small-scale farmers sa pag-adopt ng SPIS; (2) makipagtulungan sa NGOs at international funders para mas mapaigting pa ang mga naturang hakbang; at (3) ipagpatuloy ang pagsulong sa mas mahigpit na climate targets na maaaring magpababa ng presyo ng SPIS.
Makatutulong din ang mga suhestyong inilathala sa policy paper ng UP CIDS patungkol sa pangangasiwa ng solar panel sa pamamagitan ng mga prinsipyong ginagamit sa circular economy. Una na rito ang pagkakaroon ng “second-life market” kung saan maaaring ipamahagi, sa mas murang halaga, sa rural at underserved na komunidad ang solar panels na nagamit na pero gumagana pa. Sa ganito, mapapalawig ang access sa malinis na enerhiya nang hindi nangangailangan ng utility-scale capacity. Isa pa sa mga solusyon ay ang pagsasabatas ng extended producer responsibility (EPR) na magre-require sa manufacturers at importers na pondohan ang pagkolekta, pag-ayos, at muling pamamahagi ng mga nagamit nang solar panels.
Ang paggamit ng teknolohiya ay isang bahagi lamang ng kailangang gawin. Ang isa pang bahagi—kung sino ang makikinabang dito—ang magdiidkta kung ito ay para lamang sa iilan o makararating din sa mga magsasakang sumusuporta sa atin.