OVPRI Website

Office of the Vice President
for Research and Innovation

Office of the Vice President
for Research and Innovation

Mula sa bulkan tungong pharmacy

Bakterya mula sa Mayon, potensyal na panlaban sa malubhang impeksyon, kanser

Tingnan ang aming Facebook post dito.

Natuklasan ng Filipino scientists ang Streptomyces mayonensis, isang bagong uri ng bakterya mula sa Mayon na kayang labanan ang ilang mapanganib na pathogen, kabilang ang drug-resistant na impeksyon sa staph, Salmonella, drug-resistant na pulmonya, at fungal infections. Nagpakita rin ito ng potensyal na mapabagal ang paglaki ng mga cancer cells sa colorectal cancer sa tao.

Ang strain ay kabilang sa isang grupo ng bakterya na taglay ng halos 80 porsyento ng mga antibiotiko sa buong mundo.

Napapanahon ang pagkatuklas sa naturang species sa kasagsagan ng tinatawag ng World Health Organization na “pandaigdigang krisis sa inobasyon.” Sa ulat ng WHO noong Hunyo 2024, nagbabala ito na kailangan nang makahanap ng mga bago at epektibong gamot para sa mga malubhang sakit, pati na rin ng mga kapalit para sa mga gamot na hindi na epektibo dahil sa antimicrobial resistance. Kung hindi matutugunan, ang mga bansang may mababa hanggang katamtamang kita tulad ng Pilipinas ang pinakamaaapektuhan nito.

Unang inilathala ang pananaliksik nina Oliveros noong 2021 sa Philippine Journal of Science. Noong nakaraang taon, kinumpirma sa pamamagitan ng whole-genome sequencing at biochemical analysis na ito ay isang bago at natatanging species—isang mahalagang hakbang bago ito maging kabilang sa opisyal na proseso ng pagbuo ng gamot. Ang mga sample nito ay nakarehistro na sa mga internasyonal na koleksyon sa Japan at Germany, at opisyal na nakatala sa global scientific record bilang discovery ng mga Pinoy.

Ano ang mangyayari pagkatapos nito?

Ngayong nabigyan na ng pagkakakilanlan ang bagong strain, maaari nang makabilang ang S. mayonensis sa opisyal na pipeline ng pagbuo ng gamot at biotechnology, at magsisilbi na rin itong kandidato para sa karagdagang pananaliksik.

Nakatulong din ang natuklasan sa pag-unawa sa pagkakaiba-iba ng Streptomyces sa buong mundo. Ang kakayahan ng strain na mabuhay sa sa kabila ng nararanasang environmental stress ay patunay sa pagiging produktibo ng mga bulkan at sa posibilidad na maaari itong pagkunan ng mga bagong compound mula sa mga mikrobyo.

Ang pag-aaral nina Oliveros ay patunay na mayroon tayong scientific capacity para tumuklas. Kung patuloy mag-i-invest sa pananaliksik at sa imprastraktura ng bioprospecting, malaki ang potensyal ng ating mga likas na yaman upang makapag-ambag sa pandaigdigang paghahanap ng mga bagong gamot.